“2 staxons away po aq”
‘Yan ang mga tumataginting na salitang bumati sa mga mata ko nang silipin ko ang aking celphone. Nagdilim ang aking paningin. Nagsikip ang aking dibdib. At hindi ko naawat ang aking sarili sa pag-reply.
“Do not text me using Q instead of KO. I think it’s disgusting.”
Masyado akong napuno ng emosyon na hindi ko na nakumpleto ang aking message. Di ko naidagdag na naiirita rin ako sa ganu’ng paraan nang pag gamit ng “X”.
Sinagot niya ako ng “sige po”.
Is it just me or talaga bang nakakainis ang ganyang klase ng pagsi-spell? Matatawag na bang jEjEmON ‘yan kahit hindi pinaghalo ang mALiIt At mAlAKinG LetRA? Jejemon ba ‘yan kahit walang mga extra na H as in “nandito na akoH” at walang extrang W at Z as in “salamat powz”
Kung anuman ang tawag eh basta, hindi ko gusto! Super hate ko siya, with the same level of detest that I have for ill-constructed phrases such as “dito na me” and “where na you?”.
Pero tama bang mainis ako? Mali ba ang ganu’ng paraan ng pananalita? Mali ba ang ganu’ng paraan nang pag-spell?
Hindi kaya’t ‘yan na ang tinatawag na evolution ng wika? Hindi kaya’t tumatanda na talaga ako kaya’t hindi ako makasabay sa pagbabago? Sa larangan ng musika ay napag-iwanan na ako. I’m stuck in the 80’s and 90’s. Si Vanilla Ice at Milli Vanilli pa rin ang sinasayawan ko. Running Man at Roger Rabbit pa rin ang alam kong dance steps. Baka naman ganu’n din ako sa wika.
Hindi kaya’t mali ang pagpigil ko sa kanya na gumamit ng Q imbes na KO? Dahil sa ginawa kong ‘yun, hindi kaya ako naging instrumento sa pagpigil nang paglago ng ating wika?
Malay niyo, balang araw ay ‘yun na maging ang norm at ako naman ang masabihan na ang makaluma kong spelling ay disgusting.
Pag nagkataon, ano kaya ang isasagot ko?
Maiintindihan at patatawarin kaya nila ako kapag sinabi kong “SENXA na, hindi AQ sanay”?