Linggo, Agosto 7, 2011

Kung mabilis ka tumakbo, puede ka maging snatcher

630pm pa lang ay nakabukas na ang TV sa ABS-CBN kasi inaabangan ko ang Rated K.  Isa sa mga segment nila ay ang rags-to-riches na storya ng buhay ni Mr. Larry Cortez, isa sa may-ari ng restaurant group na kinabibilangan ng Chef’s Quarter, Kuse, Old Vine, Beurre Blanc, at Uncle Cheffy.

Abala kami sa pagkain ng hapunan nu’n kaya’t di namin masyadong pinapansin ang kasalukuyang pinapalabas na Goin’ Bulilit.  Pero napilitan akong manood nang marinig ko sa isang segment ang mga salitang… “Kung ang bata ay mahilig maglaro ng kotse, baka maging race car driver siya o carnapper”  Hindi eksaktong ganyan ang mga salita pero pareho lang ang idea.  Sa puntong ‘yon ay napatigil na rin sa daldalan ang tito, tita, at lolo ko at napatingin sa TV.

Tamang-tama namang sinasabi ng narrator na “kung ang bata ay mabilis tumakbo, baka maging athlete o snatcher.”  Habang nagna-narrate siya ay pinapakita ang isang bata na mabilis tumakbo at nang-snatch ng gamit.

Nagkatinginan kaming lahat, sabay taas ng kilay.  Ano ‘yun?

Sa susunod na eksena, pinakita ang narrator na nagpapaalala sa kahalagahan ng pag gabay ng magulang at kung pa’no ito maaaring maka-apekto sa kinabukasan ng mga bata.  Hindi ko gaano nakuha ang lahat ng sinabi niya pero mukha namang maganda ang intensyon ng Goin’ Bulilit sa nasabing segment. Kaya lang parang hindi yata tama ang naging venue at paraan.  

Kasama naming nanonood ang pinsan kong 7 years old at paulit-ulit niyang ginaya ang sinabi nung narrator “kung mabilis ka tumakbo, puede ka maging snatcher, kung mabilis ka tumakbo, puede ka maging snatcher”. Tawa pa siya nang tawa. 

Pero kami, hindi natawa.


0 Mga Komento:

Mag-post ng isang Komento

Mag-subscribe sa I-post ang Mga Komento [Atom]

<< Home